Massive vaccination program, target na masimulan sa buwan ng Mayo ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr.

Inihayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na nagkaroon na sila ng pirmahan hinggil sa supply agreement sa Serum Institute of India (SII) na gumagawa ng Novavax.

Ito ang sinabi ni Galvez sa online media forum sa Kapihan sa Manila Bay kung saan magiging prayoridad ng India sa pagsusuplay ng bakuna ang Pilipinas at Indonesia.

Aniya, gagawa rin ang nasabing kumpaniya ng iba pang bakuna na ibebenta sa ating bansa ng mas mura bilang tugon na rin sa ikinakasang vaccination program ng pamahalaan.


Dagdag pa ni Galvez na kasama sa napag-usapan sa SII na pag-aralan nila na maibalik ang kakayahan ng ating bansa at tulungan tayo na makagawa ng sariling bakuna.

Ayon pa sa kalihim, umaasa sila na matatapos na ang pagbabakuna sa 1.7 million na medical frontliners at healthcare workers sa buwan ng Abril kung saan agad nilang isusunod ang mga nasa priority list.

Inaabangan na rin ang pagdating ng nasa 2.3 million na bakuna bago matapos ang buwan ng Marso hanggang sa unang linggo ng Abril.

Sinabi pa ni Galvez na target nilang maumpisahan ang massive vaccination program ng gobyerno sa pagpasok ng buwan ng Mayo kung saan inaasahan nila na mabakunahan ang nasa isang milyong tao kada linggo sa darating na Abril, dalawang milyon kada linggo sa buwan ng Mayo.

Kung magiging normal naman ang production sa medical supplies, iginiit ni Galvez na sisikapin nila na mabakunahan ang nasa tatlo hanggang limang milyong tao kada linggo sa buwan ng Hunyo.

Facebook Comments