Mastermind sa Degamo killing, posibleng sinadyang bumuo ng grupo para patayin ang gobernador – PNP

Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na mga gun-for-hire ang mga sangkot sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, ilan sa mga naaresto ay may mga nauna na ring kaso ng pagpatay.

Nagmula aniya ang mga suspek sa iba’t ibang lugar na posibleng binuo bilang isang grupo para patayin ang gobernador.


“Kasama yan sa ongoing investigation natin. May ina-account pa nga tayong lima para mabuo natin yung komento po. Ito po ba talaga ay dati nang nagtatrabaho sa mga ganitong uri ng insidente. At as of now, ay talagang tinitingnan natin itong mga gun-for-hire na ito. Mukang ito ay binuo talaga ito for only one reason, ito ay talagang i-liquidate itong ating mahal na gobernador,” saad ni Fajardo sa interview ng DZXL.

Tiniyak naman ni Fajardo ang pagtalima ng PNP sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na buwagin ang mga private armies sa bansa.

Kaugnay niyan, paiigtingin aniya ng Pambansang Pulisya ang kampanya nito laban sa loose fireams upang hindi magamit sa mga krimen lalo na ngayong papalapit ang barangay elections.

Pinag-aaralan na rin ng PNP ang posibleng pagbabago sa polisiya sa pagbili at pag-iisyu ng baril.

Facebook Comments