Demonyo kung maituturing ang utak sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Sa press conference ng Task Force Degamo sa Kampo Krame sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benjur Abalos na dahil sa karumal-dumal na pagpatay kay Degamo at 8 iba pa at ang pagkakakumpiska ng mga matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog sa mga tahanan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., ay malinaw na may mga ilegal na aktibidad na ginagawa ang nagtatagong kongresista.
Hindi man nito tahasang sinabi na si Cong. Teves ang mastermind sa krimen pero malakas naman aniya ang mga ebidensyang hawak nila laban dito.
Maging ang mga testimonya ng mga sumuko at naarestong suspek ay sapat upang madiin ang mastermind sa krimen.
Paliwanag ni Abalos, hindi biro ang mga armas na nakumpiska sa mga tahanan ni Teves na posibleng nagamit na sa mga krimen o gagamitin pa lamang sa mga krimen sa hinaharap.
Kasunod nito, apela ni Abalos sa utak sa Degamo slay case na sumuko na dahil matibay ang mga ebidensyang hawak nila at determinado ang pamahalaan na kasuhan ito at papanagutin sa batas.