Mastermind sa pagnanakaw at pagpatay sa isang messenger sa Valenzuela City, napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Batangas

Patay matapos makipagbarilan sa mga pulis ang mastermind sa pagpatay at pagnanakaw sa isang messenger sa Valenzuela City noong October 2020.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Officer-in-Charge, Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang napatay na suspek na si Anthony Glua Cubos, alyas “Big”.

Si Cubos ay napatay sa police operation sa Lipa City, Batangas kamakalawa ng gabi.


Si Cubas ayon kay Eleazar ay Absent without Leave (AWOL) na pulis at lider ng Cubos Criminal Group na sangkot sa kidnapping, robbery extortion, gun-for-hire at illegal drug activities.

Siya ang mastermind sa pagpatay sa messenger na si Nino Luegi Hernando, 39-anyos, na may bitbit na P442,714 cash para sa company payroll nang siya ay nakawan at patayin paglabas ng isang bangko sa Maysan Road sa Valenzuela.

Ang suspek din ay kabilang sa mga listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga at PNP National Drug Watch List bilang pushers at protector ng ilegal na droga.

Bukod sa mastermind na si Cubos, una nang naaresto ang tatlo nitong mga kasamahang suspek.

Facebook Comments