Mastermind sa panununog ng isang bus sa Cotabato, naaresto na ng PNP at AFP sa Kidapawan City

Naaresto na ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mastermind sa pagpapasabog at panununog sa mga bus sa Cotabato kamakailan na ikinasawi ng limang katao.

Kinilala itong si Ali Akbar na nahuli sa Purok 3 sa Barangay East Patadon, Kidapawan City kamakalawa.

Siya ay isang bomb expert ng grupong Dawlah Islamiya.


Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, naaresto ang suspek sa pamamagitan ng arrest warrants dahil sa kasong double murder at frustrated multiple murder.

Nakuha sa kaniya ang mga improvised explosive device, isang blasting cap, ilang mga sangkap sa paggawa ng pampasabog at isang watawat ng ISIS.

Noong January 27, si Akbar ay mastermind ng pagpapasabog sa isang ticket booth katabi ng paparating na yunit ng Yellow Bus Line sa Barangay Sibsib, bayan ng Tulunan na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng anim pang iba.

Habang nitong June 3, isa pang yunit ng Yellow Bus Line ang sinunog naman habang binabagtas ang highway sa Barangay Bialong sa bayan ng M’lang dahilan ng pagkamatay ng tatlong pasahero na naipit sa loob ng nasusunog na bus.

Sinabi naman ni Eleazar na malaking dagok sa grupo ang pagkakaaresto kay Akbar.

Facebook Comments