Masterplan na sosolusyon sa problema sa water supply, approved “in principle” na ni PRRD

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang draft “masterplan” na magkaroon ng “integrated approach” na layong magkaroon ng pangmatagalang water supply sa bansa.

Sa interview ng RMN Manila kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles – approved “in principle” na ng Pangulo ang masterplan, na nakapaloob sa isang Executive Order (EO).

Aniya, pangungunahan na nito ang pagtatatag ng Department of Water.


Kabilang din sa mga probisyon nito ay ang reconstitution ng National Water Resources Board (NWRB) bilang isang ahensyang na mangangasiwa sa policy, direction-setting at integration ng lahat ng government efforts na may kaugnayan sa tubig hindi lang sa Metro Manila, maging sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Kasama rin aniya sa EO ang pagrerebisa ng kasunduan at kontrata ng gobyerno sa water concessionaires tulad ng Manila Water at Maynilad.

Sa ilalim din nito, hahawakan na ng Office of the President ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Kasama rin sa bubusisiin ang mga performance ng mga ito pati na kung sinusunod ba nila ang nilalaman ng kanilang kasunduan.

Inaasahang makakapagdesisyon ang Pangulo hinggil dito bago mag-Abril 15.

Facebook Comments