
Ramdam na ang sama ng panahon na dulot ng Bagyong Crising sa ilang bahagi ng Bicol Region.
Ayon kay Claudio Yucot, direktor ng Office of Civil Defense (OCD) Region 5, malalakas na buhos ng ulan ang nararanasan sa Camarines Sur, Camarines Norte, at Catanduanes dahil sa bagyo at pinalalakas pa ng habagat.
Bagama’t patuloy ang ulan, nilinaw ni Yucot na wala pang preemptive evacuation na isinasagawa sa rehiyon.
Aniya, mahigpit ang kanilang koordinasyon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para matiyak ang dami ng ulan at posibleng epekto ng sama ng panahon.
Sa ngayon, nasa Red Alert status na ang National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMC) dahil sa banta ng bagyong Crising kung saan lahat ng ahensiya sa ilalim ng NDRRMC ay nakaantabay 24/7 para tutukan ang epekto ng masamang panahon.









