MASUSING IMBESTIGASYON SA PAGKAKATAPON NG SANGGOL SA PALIKURAN SA TUGUEGARAO, PINAIGTING NG KAPULISAN

Cauayan City – Patuloy ang ginagawang malalimang imbestigasyon ng Tuguegarao Component City Police Station (TCCPS) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin na nag-abandona ng bagong silang na sanggol sa palikuran ng Tuguegarao City Commercial Center noong January 10, 2025.

Ayon sa ulat ng pulisya, aktibong nakikipag-ugnayan ang kanilang hanay sa mga opisyal ng barangay sa lungsod upang makahanap ng impormasyon na makapagbibigay-liwanag sa insidente at matukoy ang ina ng sanggol.

Kasabay nito, patuloy rin sinusuri ang mga CCTV footage mula sa mga lugar na maaaring dinaanan ng suspek upang makuha ang mga posibleng ebidensya.


Matatandaang ang natagpuang pitong buwang gulang nababaeng sanggol ay inilagay sa loob ng isang bag na binalot pa ng tela at plastik.

Hinihinala ng mga awtoridad na posibleng sa ibang lugar nanganak ang salarin bago isinilid ang sanggol sa bag upang maitago ito at dalhin sa nasabing palikuran.

Matapos marekober ang sanggol, sinubukan pa itong dalhin sa ospital, ngunit idineklarang wala nang buhay kaya naman agad na inilibing ang bangkay ng sanggol sa tulong ng mga otoridad.

Facebook Comments