Masusing tinalakay ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bayambang ang mga panukalang pagbabago sa sistema ng pangongolekta ng kita at pamamahala sa pamilihan sa isinagawang joint committee hearing ng Sangguniang Bayan.
Pinangunahan ng Committee on Market, Trade and Industry at Committee on Ways and Means ang pagdinig kung saan pinal na sinuri ang dalawang mahahalagang panukalang ordinansa: ang Revised Revenue Code at ang Revised Market Code ng Bayambang.
Layunin ng mga panukala na palakasin ang kakayahan ng lokal na pamahalaan sa pangongolekta ng kita habang inaayos din ang mga patakaran sa operasyon at pamamahala ng mga pamilihan sa bayan.
Bilang bahagi ng teknikal na konsultasyon, inimbitahan ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng munisipyo upang magbigay ng kanilang rekomendasyon at legal na pananaw.
Nakibahagi rin sa talakayan ang mga kinatawan mula sa Municipal Engineering Office, Municipal Health Office, Rural Health Units, Municipal Civil Registrar, at Municipal Environment and Natural Resources Office upang matiyak na ang mga probisyon ng mga panukalang ordinansa ay naaayon sa iba’t ibang aspeto ng serbisyo at regulasyon ng lokal na pamahalaan.
Sa pamamagitan ng mga suhestiyon at obserbasyon mula sa mga resource persons, inaasahang mas mapapahusay pa ang mga probisyon ng mga ordinansa bago ito tuluyang aprubahan at ipatupad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










