
Nakapagpulong na ang Department of Energy (DOE), sa pamamagitan ng National Biofuels Board, sa Senate Economic Planning Office (SEPO) para sa isang focus group discussion bilang suporta sa pagbuo ng polisiya kaugnay ng pagpapatupad ng Republic Act 9367 o Biofuels Act of 2006.
Layunin ng Biofuels Act of 2006 na mabawasan ang paggamit ng imported na petrolyo at maprotektahan ang kalusugan ng publiko at kalikasan sa pamamagitan ng pagmandato ng paggamit ng biofuels.
Sa pulong, tinalakay ang mga nagawa ng ahensya, mga hamon sa pagpapatupad ng batas, at mga rekomendasyon upang lalo pa itong mapalakas.
Nangalap din ng datos at impormasyon ang SEPO para sa kanilang policy review.
Binigyang-diin sa talakayan ang pangangailangan ng mas komprehensibong pagrepaso sa buong biofuel value chain — mula sa produksiyon ng feedstock hanggang sa aktwal na paggamit nito.
Target na mailabas ang policy brief kaugnay nito sa buwan ng Abril.










