Nagpaalala ang Pangasinan Electric Cooperative III (Panelco III) sa publiko at sa lahat ng Member-Customer-Owners (MCOs) na ang power restoration sa mga lugar na naapektuhan ng pagkawala ng kuryente dahil kay Super Typhoon Uwan ay dadaan sa masusing proseso upang matiyak ang kaligtasan ng mga linemen at ng buong sistema.
Ayon sa opisyal na pahayag, bagaman nauunawaan ng Panelco III ang kagustuhan ng mga mamamayan na agad maibalik ang suplay ng kuryente, hindi ito basta-basta dahil sa lawak ng pinsala sa mga poste, kable, at substation.
Narito ang karaniwang proseso ng power restoration:
Transmission Lines – ayusin muna ang pangunahing linya mula sa NGCP.
Distribution Substation – inspeksyunin at tiyaking ligtas bago ito muling paganahin.
Main Distribution / Backbone Lines – unahin ang mga linya papunta sa mga substation at pangunahing feeders.
Lateral / Secondary Lines – linya papunta sa mga barangay, kalye, at subdivision.
Individual Service Dropwire at KWH Meter – huling inaayos ang koneksyon ng bawat kabahayan.
Hinimok din ng Panelco III ang mga residente na magbigay ng tamang impormasyon sa mga linemen at tanggapan ng kooperatiba at maging maunawain sa proseso ng restorasyon.
Dagdag pa ng Panelco III, ang kooperasyon at pagtitiwala ng publiko ay malaking tulong upang mapabilis ang pagbabalik ng normal na operasyon ng kuryente sa mga apektadong lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









