Mataas na bilang ng namatay sa COVID 19, hindi na-admit sa ospital

Pinagpaliwanag ni Senator Joel Villanueva ang Department of Health (DOH) kung bakit 56% o 3,279 sa 5,840 na namatay sa COVID-19 ang hindi na-admit sa ospital.

Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III sa budget hearing ng Senado, ilan sa mga pasyenteng ito ay malala na ang kondisyon kaya dead on arrival o namatay na pagdating sa ospital.

Ayon kay Duque, dahilan din nito ang health seeking behavior ng mga Pinoy lalo ng mga mahihirap na hinihintay pang maging malala ang kalagayan ng may sakit bago dalhin sa ospital.


Base sa datos ng DOH, 76% o 1,629 sa naging kritikal na kaso ng COVID-19 ay hindi na na-admit sa ospital gayundin ang 18% ng severe COVID 19 cases.

Inihayag din ni Duque na naghahanda na and DOH para sa roll out ng vaccines sa susunod na taon kapag naging available na ito.

Ayon kay Duque, aabutin ng ₱12.9 billion ang pondo para mabigyan ng vaccine ang 20 milyong most vulnerable at pinakamahihirap na Pilipino.

Ang DOH ay humihingi ng ₱203.74 billion na 2021 budget habang ₱138 billion naman ang hiling na pondo ng PhilHealth pero ₱71 billion lang ibinigay dito ng Department of Budget and Management (DBM).

Hanggang nitong October 2 ay nasa ₱934 million na ang naibayad ng PhilHealth sa mga ospital para sa COVID related cases.

Base sa COVID packages ng PhilHealth, ₱44,000 ang para sa mild pneumonia ₱143,000 para sa moderate pneumonia, ₱333,000 para sa severe pneumonia at ₱786,000 para sa critical pneumonia.

Facebook Comments