Mataas na concert tickets at isyu sa talamak na ticket scalping, pinasosolusyunan sa DTI

Inireklamo ng mga senador sa Department of Trade and Industry (DTI) ang talamak na ticket scalping o illegal na reselling ng mga ticket sa mataas na halaga tuwing may concert sa bansa.

Sa pagtalakay ng budget ng DTI, inireklamo ni Senator Raffy Tulfo ang mataas na presyo ng mga concert ng mga dayuhang artista sa Pilipinas, ngunit sa ibang bansa ay hindi ganoon kamahal.

Inihalimbawa niya ang concert ng Blackpink na nasa P19,000 dito sa atin, kumpara sa humigit-kumulang P11,000 lamang sa South Korea; ang BTS na P22,600 dito sa bansa pero nasa P14,000 lang sa Indonesia; at ang Coldplay concert na P15,000 dito pero P5,800 lang sa Korea.

Higit pang tumataas ang presyo kapag pinapasukan ng mga scalper o ilegal na ticket reseller.

Ito aniya ang dahilan kung kaya mas pinipili ng ilang kababayan na sa ibang bansa na lamang manood ng concert dahil mas mura pa rin kahit gumastos pa sa eroplano at hotel.

Gayunman, sinabi ni Senator Imee Marcos, sponsor ng budget ng DTI, na walang magagawa ang ahensya sa mga scalper dahil customer-to-customer ang bentahan ng ticket. Dagdag pa niya, nakasentro lamang ang mandato ng DTI sa mga pangunahing bilihin at pagkain, at hindi saklaw ang mga concert.

Facebook Comments