Nababahala si Vice President Leni Robredo sa naitatalang mataas na bilang ng nasasawi kada araw dahil sa COVID-19.
Ito ay sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng virus ngayong Oktubre.
Sa programang Biserbisyong Leni, iginiit ni Robredo na hangga’t lampas isang libo ang mga bagong kasong naitatala kada araw, hindi dapat magpakakampante ang publiko.
“Sana by Novermber ‘wag na more than 1,000 ‘yung mga bagong cases natin para naman papunta na talaga tayo sa normal. Hanggang ngayon na lampas parati na 1,000 hanggang lampas 3,000 medyo nakakatakot pa rin talaga. So hindi pa rin dapat maging complacent. ‘Yung mas alarming kasi ngayon ‘yung number of deaths, medyo mataas. Hindi naming alam kung bakit, kasi dapat di ba mas pababa ‘yung kaso, mas pababa rin ‘yung number of deaths,” ani Robredo.
Kasabay nito, umapela si Robredo sa publiko na huwag kalimutan ang health and safety protocols.
Sa harap na rin ito ng unti-unting pagpapaluwag sa quarantine restrictions para sa muling pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.
Aniya, mahalaga pa ring tingnan ng bawat local government unit (LGU) ang datos sa kani-kanilang lugar para makapagtakda ng target at makapagpatupad ng dagdag na polisiya kung kinakailangan sa kabila ng mga pagbabago sa ilang national policies.
Kabilang sa tinukoy ng Bise Presidente ay ang mga sumusunod:
Expansion ng age groups na pinapayagang lumabas (15-65 years old);
Pagpapahintulot kahit sa mga non-essential outbound travel sa pagitan ng GCQ at MGCQ areas
Pagbiyahe sa ibang bansa
Pagsasagawa ng mga sales at marketing events ng mga business establishment
Pag-update sa listahan ng mga itinuturing na Authorized Persons Outside Residence (APOR)
“Talagang ‘pag mababa na ‘yung transmission sa lugar, luwagan na pero ‘pag medyo mataas, dagdagan ‘yung protocols. With caution, naiitindihan natin ‘yung pangangailangan na magbukas ‘yung ekonomiya pero sana hindi po natin nakakalimutan ‘yung ating health and safety protocols,” dagdag pa ng Bise Presidente.