Inaasahan na ng Malacañang ang mas magandang numero sa usapin ng employment sa bansa ngayong Enero at Pebrero.
Pahayag ito ni Acting Presidential Spox at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles kasunod ng pag akyat sa 6.6% ng unemployment rate sa bansa nitong Disyembre 2021, mula sa 6.5% noong Nobyembre.
Ayon kay Nograles, bagama’t tumaas ang naitalang unemployment rate noong nakaraang buwan, tumaas rin naman ang labor source participation.
Ibig sabihin, ang mga Pilipino na wala sa labor force ay nakabalik na sa paggawa nitong Disyembre.
Maliban dito, nakakita rin ng improvement sa underemployment rate ng bansa na mula sa 16.7% noong Nobyembre ay nasa 14.7 na lamang noong nakalipas na buwan.
Kasunod nito, inaasahan ng Palasyo na mas maraming Pilipino na ang makakabalik sa trabaho, lalo pa’t binuksan na ng bansa ang turismo nito sa mga fully vaccinated foreign nationals.