Wednesday, February 4, 2026

Mataas na koleksiyon ng BOC, may direktang epekto sa pondo ng bayan —Malacañang

Kinilala ng Malacañang ang Bureau of Customs (BOC) matapos lumampas sa itinakdang target ang koleksiyon nito noong Enero, isang resulta na ayon sa Palasyo ay may direktang epekto sa pondo ng pamahalaan.

Batay sa datos na isinumite sa Palasyo, umabot sa ₱80.7 bilyon ang nakolekta ng BOC noong Enero, na mas mataas ng ₱513 milyon sa target na itinakda para sa buwan.

Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ang naturang halaga ay katumbas ng pagtaas na ₱1.49 bilyon o 1.9 porsiyento kumpara sa koleksiyong ₱79.254 bilyon noong Enero ng nakaraang taon.

Dahil dito, naitala ng ahensiya ang 100.6% revenue collection efficiency, na isang indikasyon na nalampasan nito ang inaasahang kita para sa buwan.

Iniulat din ng Malacañang ang 66 matagumpay na operasyon laban sa kontrabando at iligal na produkto na may kabuuang halagang ₱886.8 milyon.

Giit ng Palasyo, mahalaga ang ganitong resulta hindi bilang papuri lamang, kundi bilang patunay na kailangang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng batas at pagbabantay sa hangganan upang masigurong napupunta sa kaban ng bayan ang dapat na kita ng gobyerno.

Facebook Comments