Kinumpirma ng Food and Drug Administration (FDA) na nagpositibo sa mataas na lebel ng methanol ang samples mula sa lambanog na nainom at ikinamatay ng 11 katao sa bayan ng Rizal sa Laguna.
Ayon kay FDA OIC Eric Domingo – lima sa bawat pitong samples na sinuri nilang Rey Lambanog, mula sa Emma’s Lambanog Store at Orlando Mapa Store ay nakitaan ng 11.4% at 18.2% ng methanol.
Patunay aniya ito na pagkalason sa methanol ang ikinamatay ng mga biktima.
Giit ni Domingo – matuturing na nakalalason ang methanol kung lalagpas ito ng higit isang porsyento.
Ang pag-inom ng 30 milliliters ng methanol ay posibleng ikamatay ng biktima at kapag na-absorb ito ng balat ay may toxic effects ito lalo at nagiging formic acid at formaldehyde ito.
Sa huling datos 11 ang nasawi sa Rizal, habang apat ang namatay sa Quezon Province.
Sa ngayon, maraming pasyente pa ring ang naka-confine sa iba’t ibang ospital kabilang na ang Philippine General Hospital, East Avenue Medical Center, Rizal Medical Center, Quirino Medical Center at Batangas Medical Center.