Binigyan ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ng mataas na marka ang isang taong panunungkulan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa June 30 ay mag-iisang taon na si PBBM bilang presidente ng bansa.
Paglalarawan ni Legarda, napakasipag ng pangulo kaya mataas na marka ang nararapat para dito.
Aniya, binuksan ng pangulo ang maraming bintanang ng oportunidad na dati ay sarado lalo na ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa European Union katuwang ang tulong ng mga mambabatas.
Ngunit tumanggi naman si Legarda na bigyan ng bilang na grado ang Pangulo mula “one to ten” kung saan 10 ang pinakamataas.
Sinabi ng senadora na hindi niya istilo na bilangan ang sinumang opisyal.
Umaasa naman ang mambabatas na makapagtalaga na ng permanenteng Kalihim sa Department of Agriculture na sa kasalukuyan si PBBM ang concurrent secretary.