Mataas na multa, maaaring ipataw sa mga lalabag sa alituntunin ng paliparan na makakaapekto sa seguridad ng mga pasahero – CAAP

 

Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko sa mataas na multa sa mga lalabag sa paliparan lalo na kapag nalalagay sa panganib ang operasyon nito.

Ito’y matapos magsampa ng kaso ang CAAP sa Department of Justice (DOJ) hinggil sa insidente ng illegal trespassing sa Godofredo P. Ramos Airport na mas kilala bilang Caticlan Airport.

Ayon kay Director General Captain Manuel Antonio L. Tamayo, sinimulan na ng CAAP ang aksyon laban sa pinaghihinalaang nagkasala na naglagay sa peligro sa runway ng paliparan.


Ayon kay Tamayo, pinutol umano ang isang bahagi ng perimeter fence ng Caticlan Airport at naglagay ng highly hazardous Foreign Object Debris (FOD) sa runway ng airport.

Ang insidenteng ito ay lumalabag sa Section 81 ng Republic Act No. 9497 ng CAAP na nagsasaad na ang pagsira sa mga pasilidad ng air navigation at kanilang mga operasyon ay maaaring humantong sa pagkakulong para sa isa hanggang anim na taon o multa ng hanggang isang milyon (P 1,000,000).

Facebook Comments