Nais ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na itaas hanggang 2 milyong piso kada araw ang multa ng mga telecommunication companies o telcos na hindi makakatupad sa ipinangakong bilis ng internet service.
Sa budget deliberation ng Senado ay inihayag ito ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na siyang nagdedepensa sa proposed 14.1-billion pesos na proposed 2021 budget ng DICT.
Ayon sa DICT, ngayon ay nasa 200 pesos lang kada araw ang ipinapataw na multa sa mga telco na lalabag sa terms and conditions ng serbisyo nito.
Sinabi ni Lacson na para mapagbigyan ang hiling ng DICT ay kailangang amyendahan ang Section 21 ng Public Service Act.
Sabi naman ni Senator Grace Poe, may nakahain ngayon sa Senate Bill number 1831 o panukalang Better Internet Bill na nagbabawal sa mga internet service providers na advertise internet service speed na hindi nila kayang tuparin.
Binanggit ni Poe, na inoobliga ng panukala na ibigay ng telcos ang 80 percent sa naka-advertise nilang internet speed sa panahon ng subscription.