Mataas na opisyal ng bangko na inaresto dahil sa 1.75 billion pesos na fictitious loan, iniharap sa media ng NBI

Manila, Philippines – Iprinisinta ng National Bureau of Investigation ang isang mataas na opisyal ng isang kilalang bangko sa bansa na suspek sa 1.75 billion pesos na halaga ng fictitious loan.

Kinilala ng NBI ang suspek na si Ma. Victoria “Marivic” Lopez, hepe ng Corporate Service Management ng Metrobank na inaresto sa mismong punong tanggapan ng bangko sa Lungsod ng Makati.

Ayon kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, si Lopez ay naaresto sa isang entrapment operation na ikinasa ng NBI nuong July 17, 2017 matapos niyang iutos ang pag-debit ng 2.25 million pesos mula sa savings account ng nagreklamong korporasyon na kliyente ng bangko.


Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng kliyente ng bangko na may open credit facility na 25 billion pesos matapos itong makatanggap ng liham kaugnay sa kanila umanong loan transaction na hindi naman nila totoong inutang sa bangko.

Paliwanag ni Atty. Irvin Garcia, hepe ng NBI-Anti Fraud Division, ang fictitious loan ay nagkakahalaga ng 900 million pesos at 850 million pesos na sinasabing napunta rin sa account ng korporasyon.

Si Lopez ang sinasabing nasa likod ng pagproseso ng fictitious loan dahil bilang pinuno ng Corporate Services Management Head ng Metrobank, siya ang may hawak sa mga malalaking kliyente kabilang na ang nagreklamong korporasyon.

Dahil siya ang may kontrol sa credit at savings account ng kliyente, nagawa niyang maisakatuparan ang fictitious loan.

Naaresto si Lopez matapos niyang iutos na idebit mula sa savings account ng korporasyon ang 2.25 million pesos bilang kabayaran sa interes ng fictitious loan.

Pero ang 2.25 million pesos na dapat sana ay kabayaran sa interes ay napunta sa isa pang account na si Lopez din ang may kontrol.

Dahil sa naisakatuparang 2.25 million pesos na halaga ng transaksyon, si Lopez ay isinalang sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office nuong July 18, 2017 para sa kasong qualified theft, falsification at paglabag sa General Banking Law.

Pero mahaharap siya sa karagdagang reklamo kaugnay naman sa pagproseso niya ng 1.75 billion pesos na fictitious loan.

Sa isang statement, inihayag naman ng Metrobank wala silang kustomer na naapektuhan ng insidente at patuloy pa rin silang nag-ooperate nang normal.

Facebook Comments