Mataas na opisyal ng PNP Davao, sinibak sa pwesto

Tinanggal sa pwesto ang Director ng Philippine National Police o PNP Region 11 o Davao Region na si PBGen. Aligre Martinez na inilipat sa Police Holding and Accounting Unit o PHAU.

Pinalitan siya sa pwesto ni PBGen. Nicolas Torre na mula sa Communication and Engineering Service.

Samantala, inalis din sa PNP Directorate for Operations si PMGen. Ronald Lee na inilipat din sa PHAU.


Ipinalit sa kaniya si PBGen. Nicolas Salvador na mula naman sa Directorate for Plans.

Tanggal din sa pwesto bilang Hepe ng Intelligence Group si PCol. Edwin Portento na dinala rin sa PHAU.

Ipinatupad ang balasahan kasunod ng bigong operasyon ng PNP sa limang compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City kung saan hindi naaresto si Pastor Apollo Quibuloy at limang kapwa akusado sa kasong child abuse, sexual abuse at human trafficking.

Bukod sa tatlong opisyal, apat na iba pang matataas na opisyal ang kasama sa pinakahuling balasahan ng PNP.

Epektibo ang balasahan sa mga matataas na opisyal ng PNP ngayong araw, June 14, 2024.

Facebook Comments