
Sinampahan ng kasong administratibo ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) makaraang ireklamo ng sexual harassment ng isang babaeng pulis.
Ayon sa National Police Commission (NPC), pinangalanan si PNP-HPG acting Director PBGen. Jessie Tamayao sa limang pahinang sinumpaang salaysay ng isang babaeng HPG personnel sa isinumite sa NAPOLCOM Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS).
Ayon sa complainant, humingi siya ng tulong sa NAPOLCOM upang mabigyang ng hustisya sa pang-aabuso umano na ginawa sa kaniya ng opisyal.
Kabilang na rito ang pag-aaya umano ng opisyal sa kanya na makipagtalik at panghihipo.
Sinabi ng complainant na lahat ng mga pahayag at aksyon ng opisyal ay may pananakot at pagbabanta kabilang na rito ang pagpapadala umano sa kaniya sa Mindanao kung hindi siya papayag sa mga kagustuhan nito.
Bukod dito, binuksan din umano ng opisyal ang cellphone ng complainant nang wala itong pahintulot at kinunan ang mga larawan at conversation dito at nagbantang gagamitin ito laban sa kaniya kung magsusumbong sa dating director ng HPG na si PBGen. Hansel Marantan.
Humiling ang complainant sa National Police Commission (NAPOLCOM) na sibakin sa serbisyo ang opisyal dahil sa alegasyon na paglabag sa Republic Act No. 7877 (Anti-Sexual Harassment Act of 1995) at Republic Act No. 10173 (Data Privacy Act of 2012).










