Ikinalugod ng National Task Force Against COVID-19 ang resulta ng dalawang survey na nagpapakita ng kahandaan at pagnanais ng mga Pilipino na mabakunahan laban sa COVID-19.
Matatandaang lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) mula June 23 hanggang 26, 45% ng Filipino adults ang gustong magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa Pulse Asia survey naman, tumaas sa 43% ang vaccine confidence ng mga Pilipino noong Hunyo.
Ayon kay NTF Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ikinagagalak niya na maraming Pilipino na ang gustong magpabakuna.
Mahalaga aniya ito lalo na at maraming bakuna pa ang darating sa bansa sa mga susunod na buwan kabilang ang mga donasyon mula sa COVAX Facility at foreign governments.
Sa ngayon, aabot na sa 22.9 million COVID-19 vaccines ang natanggap ng Pilipinas.
Nasa 77 milyong Pilipino ang target na mabakunahan bago matapos ang taon para makamit ang herd immunity.