Mataas na presyo ng baboy at manok, pinasa-subsidize sa gobyerno

Pinasasalo ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa gobyerno at sa mga Local Government Units (LGUs) ang mataas na presyo ng karneng baboy at manok.

Ito ang suhestyon ni Zarate upang maibsan ang hirap ng mga Pilipino sa gitna na rin ng napakamahal na presyo ng baboy at manok sa mga pamilihan.

Inihalimbawa ni Zarate ang ginawa noong kasagsagan ng mahigpit na lockdown kung saan binili ng pamahalaan at mga LGUs ang ani ng mga magsasaka at ibinenta ang mga produkto sa mga constituents sa subsidized rate o mababang halaga.


Iminungkahi pa ni Zarate na gamitin ang ₱6.37 billion na Quick Response Fund (QRF) para tulungan ang mga magsasaka at mga consumers.

Iginiit pa ng mambabatas na mas mainam na ang rekomendasyong subsidiya kumpara sa itinutulak ng Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng price-freeze hogs at poultry industry upang bumaba ang presyo ng baboy at manok.

Katwiran ng mambabatas, magdudulot ito ng negatibong epekto sa kabuhayan ng mga local farmers at iba pang grupo ngayong hirap pa ring makabangon ang mga ito sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments