Buo ang paniniwala ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda na ang mataas na presyo ng bigas ang pangunahing nagtulak ng pagtaas ng inflation rate sa bansa na pumalo sa 3.7% noong Marso.
Ayon kay salceda, 57 percent ng total inflation noong nakaraang buwan ay dulot ng food inflation.
Binanggit pa ni Salceda na kung hindi nagkaroon ng problema sa presyuhan ng bigas sa global market ay nasa 3.1 percent lamang ang inflation rate ng Pilipinas lalo’t bumababa na ang halaga ng mais, isda, gulay at asukal.
Bunsod nito ay iginiit ni Salceda na ituon sa bigas ang game plan o mga hakbang ng gobyerno para tugunan ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Kinilala naman ni Salceda ang ginagawang pagsisikap ng Department of Agriculture na matulungan ang mga magsasaka upang mapalakas ang kanilang produksyon ng pagkain, gaya ng paglulungsad ng Survival and Recovery Loan program ng Agricultural Credit Policy Council.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ni Salceda ang mga magsasaka na mag-imbak ng tubig, na magagamit habang umiiral ang panahon ng tagtuyot.