MATAAS NA PRESYO NG MANGGA, SANHI NG MATUMAL NA BENTAHAN SA LUNGSOD NG CAUAYAN

CAUAYAN CITY — Matumal ang bentahan ng mangga sa lungsod ng Cauayan ngayong buwan ng Mayo bunsod ng mataas na presyo nito kumpara noong nakaraang taon.

Sa panayam ng IFM News Team kay Ginang Daisy Agustin, nagtitinda ng mangga, kasalukuyang naglalaro sa 80 hanggang 100 pesos ang presyo kada kilo ng mangga, depende sa laki at kalidad nito.

Aniya, malaking diperensya ito kumpara sa presyo noong nakaraang taon na nasa 40 hanggang 50 pesos lamang kada kilo.

Ibinahagi rin ni Ginang Daisy na inaangkat nila ang mga mangga mula sa Ilocos Norte, na siyang pangunahing pinanggagalingan ng suplay. Dinedeliber ito sa kanila kapag paubos na ang kanilang paninda sa Cauayan at kung maraming suplay mula sa Ilocos.

Gayunpaman, aminado ang vendor na mahina ang bentahan ngayong taon dahil mas pinipili ng mga mamimili ang mas murang prutas. Sa taas ng presyo, nababawasan ang bumibili kaya’t may mga araw na matumal ang kita.

Umaasa naman ang mga nagtitinda na sa pagpasok ng susunod na mga buwan ay bababa na ang presyo ng mangga at bubuti ang suplay upang muling tumaas ang benta sa local vendors.

Facebook Comments