Cauayan City, Isabela- Tiniyak ng pinuno ng Public Order and Safety Division (*POSD*) Cauayan na hindi magiging ‘Ningas Kugon’ sa pagpapatupad ng road clearing sa Lungsod kasunod ng nakuhang mataas na grado sa katatapos na inspeksyon ng DILG noong ika-23 ng Pebrero taong kasalukuyan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Col. Pilarito ‘Pitok’ Mallillin, pinuno ng POSD Cauayan, malaki ang kanilang naging pasasalamat dahil sa mataas na naging hatol ng DILG sa performance ng Cauayan City na 99.75 porsiyento.
Napatunayan ani Mallillin na kayang-kaya ng Lungsod ang pagpapatupad sa nasabing direktiba ng Pangulo at kayang-kaya rin na sumunod ng mga residente.
Ibinahagi nito na isa sa mga naging batayan sa pagkakakuha ng mataas na score ng Lungsod ay dahil sa pagkakatanggal ng mga malalaking obstruction sa kalsada gaya ng mga waiting shed, mga maliliit na tindahan, mga gulong na ginawang flower pot at iba pang uri ng sagabal sa kalsada.
Bagamat maraming tinamaan sa nasabing operasyon ay nabigyan naman aniya ng maayos at mas maluwag na kalsada.
Muling iginiit ng POSD Chief na magkakaroon ng sustainability sa kanilang pagpapatupad ng road clearing operation sa Lungsod upang hindi mabansagan na ‘ningas kugon’.
Umapela naman ito sa publiko na makiisa sa ipinatutupad ng gobyerno upang mapanatili ang kaayusan sa kalsada at mas maluwag na daloy ng trapiko.