Mataas na singil ng koryente at palpak na serbisyo ng NORDECO, inalmahan ng mga negosyante

Umalma na ang Tagum Chamber of Commerce and Industry sa mataas na singil ng koryente at palpak na serbisyo ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) sa kanilang lugar.

Sa panayam ng RMN DZXL, binigyang diin ni Engr. Aerol Conde na hindi makatarungan ang mataas na singil ng koryente ng NORDECO kung ikukumpara sa umiiral na singil per kilowatt hour ng mga karatig nilang probinsya.

“Umaabot na kami ng P18 hanggang p21 (per kilowatt hour), kaya nagrereklamo na po kami sa presyo kasi ang mahal na po ng singil sa amin ng koryente,” pahayag ni Conde.


Kuwestyonable umano ang mataas na singil dahil kooperatiba ang NORDECO kaya dapat mas mababa ang rate kumpara sa umiiral na mababang singil ng pribadong kompanya.

Kasabay nito, nanawagan si Conde na palitan na ang nagsusuplay ng koryente dahil matagal na silang nagtitiis sa serbisyo ng NORDECO, mataas ang singil subalit hindi naman kayang patakbuhin ng maayos ang pamamahala sa koryente.

Maliban dito, iginiit ni Conde na malaking perwisyo rin ang nararanasang madalas na brownout sa kanilang lugar na direktang nakakaapekto sa kabuhayan at production cost sa hanay ng pagnenegosyo.

‘Malaki pong problema namin sa… itong koryente namin kasi number one po yung price namin, tataas ang production cost. Biruin mo yung mga rice miller nagrereklamo na rin kasi ang milling nila sa isang sako aabot ng P285 per bag, aabot ng P250 per isang sako yung epekto ng koryente sa kanila. Sa amin naman po sa production ng feeds, kasi feeds po ang negosyo namin, mga 40% ang increase ng presyo ng koryente,” dagdag pa ni Conde.

P11.50 lang umano ang umiiral na singil sa kanilang kalapit na probinsiya kumpara sa singil ng NORDECO na P16 hanggang P18 per kilowatt hour at hindi klaro ang serbisyo.

Nakakapekto rin umano ang madalas na brownout sa kanilang mga production equipment na nag-si-single phase pa ang supply na dapat umano ay three phase na nagreresulta sa pag-uwi na lamang ng kanilang mga manggagawa.

Dahil apektado umano ang sweldo ng mga manggagawa, apektado na rin ang kanilang kabuhayan na kung minsan ay nagkakautag-utang pa.

Dumaranas rin umano ng rotational brownout ang bahagi naman ng Samal dahil kulang ang supply ng koryente.

Matatandaan na kamakailan ay umabot sa 3,000 katao ang lumahok sa kauna-unahang motorcade rally na inilunsad ng business community at nilahukan ng mga consumer ng NORDECO upang batikusin ang palpak na serbisyo nito.

Facebook Comments