Sinasalamin ng mataas na trust ratings ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang malaking tiwala na ibinibigay ng publiko sa Senado.
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva matapos na makakuha si Zubiri ng 53 percent trust ratings sa pinakahuling Pulse Asia survey na mas mataas kumpara sa 51 percent noong December 2023.
Itinuro ng senador sa matatag at mahinahon na pamumuno ng Senate President ang pagkakaroon nito ng mataas na tiwala sa taumbayan.
Ayon kay Villanueva, dahil sa pagtaas ng trust ratings ay hindi lang tiwala ng mga tao ang nakuha ni Zubiri kundi pati na rin ang tiwala ng mga kapwa niya senador.
Napatunayan din ng mataas na ratings na ito na epektibo ang Senado sa pagharap sa iba’t ibang mga isyu partikular na sa usapin ng Charter change (Cha-cha).
Sinabi ni Villanueva na sa kabila ng mga may halong politika at minsa’y matatalim na talakayan sa Constitutional amendments, naging consistent si Zubiri sa kanyang posisyon at naniniwala sila na ito ang nagustuhan ng mga Pilipino.