Mataas ng opisyal ng PNP, nabiktima ng accidental firing

Naging biktima ng accidental firing ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay nangyari sa Quezon City Police District (QCPD) firing range sa Camp Karingal, sa QC kahapon.

Ang biktima ay kinilalang si Maj. Gen. Rolando Hinanay, ang chief ng Directorate for Personnel Records and Management (DPRM) sa Camp Crame.


Batay sa report ni PCapt. Eric Aliño na siyang Range Master sa QCPD firing range, habang tinutulungan ng range assistant na si Ronnel Alcones si Maj. Gen. Hinanay ay binunot nito ang kaniyang 9mm pistol at sinilip ang kaniyang target.

Pero nang ibinalik nito ang kaniyang baril sa holster ay dito na ito pumutok at tinamaan ang kaniyang kanang hita.

Agad siyang isinugod sa St. Luke’s Medical Center ng mga tauhan ng district medical and dental team.

Si Hinanay ay unang nag-abiso sa QCPD para sa schedule nilang firing kahapon kasama ang kaniyang pamilya kasabay ng birthday ng kaniyang anak para sana sa proficiency practice.

Pero hindi na sila nagtagal sa firing range dahil sa nangyaring aksidente.

Facebook Comments