Matagal na nabimbin ang municipal budget ng LGU Agno, Pangasinan na kahapon lamang ay nakalusot sa second reading ng Sangguniang Bayan. Ayon sa mga opisyal, ilan sa mga dahilan ng pagkaantala ay ang dami ng hinihinging requirements ng ilang konsehal sa ehekutibo, gayundin ang atrasadong pagdinig kaugnay ng panukalang pondo ng bayan.
Dismayado si Vice Mayor Jonathan Domoral na umabot pa ng Enero 2026 ang pag-usad ng kanilang municipal budget.
Sa kabila nito, inaasahang magkakaroon ng special session ngayong araw ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan para sa third at final reading ng municipal budget, bago ito isumite sa ehekutibo para sa pinal na pag-apruba.
Samantala, aminado ang bise alkalde na reenacted budget muna ang gagamiting pondo ng bayan habang hindi pa naaprubahan ang bagong budget.
Gayunman, umaasa siyang hindi ito makakaapekto sa benepisyo ng mga kawani, pati na sa mga nakalinyang programa at proyekto ng lokal na pamahalaan.
Nagbabala rin si Domoral na posibleng maapektuhan ang pagiging kwalipikado ng bayan sa ilang parangal, kabilang ang Seal of Good Local Governance, na kumikilala sa maayos at episyenteng pamamahala sa pananalapi ng lokal na pamahalaan.
Umaasa naman si Domoral na isasantabi ang pulitika ngayong umusad na ang usapin sa kanilang municipal budget at susuportahan ang mga programa at proyekto ng ehekutibo para sa mga taga Agno.
Sa ngayon, umaasa ang pamunuan ng LGU Agno na tuluyan nang maresolba ang usapin sa budget upang maipatupad nang buo ang mga plano at proyekto para sa mamamayan.








