Kinilala ng mga international leaders ang Pilipinas at si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa matagumpay na hosting ng bansa sa katatapos lang na Asia-Pacific Minister Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR) sa PICC, Pasay City.
Ayon kay UN Secretary General Special Representative for Disaster Risk Reduction at Head ng UN Office for the Disaster Risk Reduction Kamal Kishore, kapuri-puri ang personal na involvement at commitment ni Pangulong Marcos sa paglaban sa Climate Change, at ang mga inisyatibo para sa disaster risk reduction.
Nagtakda aniya ang Pilipinas ng benchmark para sa conference na ito, at magsisilbi itong halimbawa sa iba pang leader sa mundo.
Matatandaang ito ang kauna-unahang beses na nag-host ang Pilipinas ng international conference, kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga bansa sa Asia-Pacific na isulong ang koordinasyon, magpalitan ng best practice, at magpatatag ng mga kooperasyon para sa disaster risk reduction sa rehiyon.
Isinulong din ng Pilipinas dito ang posisyon nito sa usapin ng climate change at disaster risk reduction.