Matagumpay na resupply mission ng Philippine Navy at PCG sa BRP Sierra Madre, pinuri ng Senado

Saludo si Senate President Juan Miguel Zubiri sa isa nanamang matagumpay na resupply mission ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ito na ang ikatlong matagumpay na misyon ng Navy at PCG sa loob ng limang linggo.

Nagpasalamat at pinuri ni Zubiri ang Navy at Coast Guard dahil sa ipinamalas na tapang at hindi nagpatinag sa pananakot at balak na pagharang ng Chinese Coast Guard para makumpleto ang kanilang resupply mission.


Binigyang diin ni Zubiri na ito ay isang humanitarian resupply mission at tanging mga salbahe lamang ang matutuwa na ipagkait ang pagkain sa ating mga sundalo.

Magkagayunman, batid pa rin ng Senate President ang patuloy na panghaharang ng China sa ating mga barko sa West Philippine Sea kaya naman kailangan pa ring maging maingat at mapagbantay.

Tiniyak naman ni Zubiri na handa ang Senado na suportahan ang budget ng AFP at PCG para sa layuning makapagtatag ang bansa ng isang matatag na self-defense posture na magbibigay proteksyon sa Pilipinas at sa mga Pilipino.

Facebook Comments