Siyam na heneral ng Philippine National Police ang sangkot sa illegal drugs business sa bansa.
Ito ang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling State of the Nation Address kasabay pagbida sa mga nagawa laban sa war on drugs ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi niya inakala na ang kakalabanin niya nang simulan ang kampanya sa iligal na droga ay ang sarili niyang gobyerno kung saan mismong ang nag-aangkat ng ipinagbabawal na gamot ay ang mga nasa Bureau of Customs at ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police.
Natuklasan aniya na ang drug cartel sa Mexico at Laos ay nagsu-supply ng iligal na droga sa Pilipinas.
Bagama’t halos malula sa sitwasyon ng illegal drugs sa bansa at inamin nito na muntikan na siyang matalo sa laban kontra sa iligal na droga, hindi aniya natinag ang Pangulong Duterte at lumaban para sa sambayanang Pilipino.