Tuguegarao City, Cagayan – Isang senior citizen na kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang binatukan sa harap ng mga kapwa niya empleyado.
Sa nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan 98.5 Mhz News Team, ang binatukang empleyado ng kapitolyo ay si Ginoong Henry Balisi, may asawa, 63 anyos, division chief ng Provincial Treasury Office at matagal nang naninilbihan sa pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.
Ang pangyayari ay nasaksihan ng marami habang ginaganap ang flag ceremony sa kapitoyo kahapon ng umaga, Setyembre 4, 2017. Sa ginawang ambush interview ni Vangie Malana na reporter ng Radyo DZCV, affiliate station ng RMN sa Tuguegarao City, Cagayan kay Ginoong Balisi ay kanyang inihayag na sa kanyang paninilbihan sa gobyerno ay ngayon lamang siya nalagay sa ganoong uri ng kahihiyan.
Lalo pa at matapos siyang hatakin paharap ng dalawang security aide ni Gobernador Manuel Mamba at saka binatukan ng isa ay pinagalitan pa siya ng gobernador dahil sa umanoy kawalan ng respeto.
Samantala, nakipag ugnayan ang RMN Cauayan gamit ang SMS kay Ginoong Rogelio “Rogie” Sending, ang OIC-Provincial Information Office at nagsisilbi ring tagapagsalita ng gobernador at kanyang sinabi na nabastusan umano ang gobernador kay Balisi dahil sa pag alis nito sa linya samantalang kasalukuyan pa ang seremonya. Limang beses umano siyang tinawag ng gobernador na pumaharap ngunit hindi tumalima. Sinabi pa ni Sending na sa ayaw at sa gusto ng lahat ay si gobernador Mamba ang pinuno at ama kaya dapat lang siyang magalit at magdisiplina.
Sa pamamagitan ni Ginoong Sending ay tinanong din ng RMN Cauayan News ang panig ng gobernador sa likod ng balita sa local mainstream at social media ng Cagayan na si Mr Balisi ay humingi ng dispensa sa gobernador matapos siyang mabatukan na hindi tugma sa kanyang ipinahayag sa RMN affiliate Radyo DZCV na magsasampa ito ng kaso dahil sa kanyang natamong matinding kahihiyan.
Ipinaliwanag ni Sending na sa nambatok sa kanya siya magsasampa ng kaso at ang hiningan niya ng paumanhin sa gobernador ay ang nagawang kabastusan sa pag alis niya sa linya na di pa tapos ang programa.
Hindi nakuha ang pangalan ng security aide ni Mamba na nambatok kay Balisi dahil ayaw ibigay sa media ng mga kasamahan nito. Sinikap naman ng RMN News na hingin kay Ginoong Sending ang pangalan ngunit hanggang sa pagkakasulat ng balitang ito ay wala pa siyang tugon.