Naniniwala ang isang maritime expert na masyado nang late ang matapang na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa China kaugnay pa rin sa isyu ng West Philippine Sea.
Sa interview ng RMN Manila kay Professor Jay Batongbacal, sinabi nitong sa loob kasi ng limang taon na panunungkulan ni Pangulong Duterte ay tila ngayon lamang ito kumambiyo.
Taliwas din aniya ito sa mga pahayag noon ng Pangulo kung saan nakakiling sa China pagdating sa paggiit natin sa ating karapatan sa Exclusive Economic Zone.
Kasunod nito, umaasa naman si Batongbacal na magtutuloy-tuloy na ang paninindigan ni Pangulong Duterte upang maipakita na rin na seryoso ang administrasyon sa pagtatanggol sa ating teritoryo.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagbanta ang Pangulo na hindi niya paaatrasin ang mga barko ng Pilipinas sa Kalayaan Islands at Mischief Reef kahit pa mauwi ito sa pagtatapos ng kaniyang pagkakaibigan sa China.