Manila, Philippines – Sinisisi ngayon ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang Pangulong Duterte dahil ipinagpatuloy pa rin ng pamahalaan ang rehabilitation program ng dating Aquino administration sa mga biktima ng Yolanda.
Ito ay bunsod na rin ng ika-apat na taong paggunita ng bansa sa pananalasa ng super typhoon Yolanda noong 2013.
Giit ni Casilao, sa 144 Billion na pondo na nalikom ng gobyerno mula sa local at foreign sources nito, pumalya ang dating administrasyon na kumpletuhin ang relocation sites sa mga biktima ng kalamidad.
Ngayong kasalukuyang Duterte administration, bigo pa rin ang pamahalaan dahil sa apat na taong nakalipas ay nasa 40% lang ng 200,000 target housing units ang nakumpleto habang 33% o 26,256 na nga units pa lamang ang okupado ng mga nasalantang pamilya sa Visayas.
Marami na rin umano sa mga residenteng na-relocate ang umalis din sa kanilang mga bahay dahil sa malayo ang lugar at malayo din sa mga paaralan at kanilang hanapbuhay.
Hiniling din ni Casilao ang agarang relief para sa sektor ng agrikultura na pinakanapipinsala kapag may kalamidad.