Matapos ang nag-viral na road rage incident, obispo nanawagan na maging mahinahon at mapagpasensiya sa kalsada

Nanawagan ang isang obispo ng simbahang Katolika sa mga mananampalataya na maging mahinahon at magkaroon ng mahabang pasensya sa bawat pagkakataon.

Ito ay matapos ang insidente ng road rage sa Boso-Boso, Antipolo City, Rizal nitong weekend na nagresulta sa pagkasawi ng isang motorista at nag-iwan ng tatlong sugatan.

Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, ang matinding galit ay maaaring humantong sa matinding pinsala sa buhay na posibleng hindi na maibalik kaya dapat maging mahinahon.


Hinimok din ng obispo ang lahat na alalahanin ang mga aral ni Kristo gaya ng pagiging mapagpasensya, maunawain at mahabagin sa halip na magpadala sa bugso ng damdamin.

Ang mga hamon aniya na kinakaharap araw-araw gaya ng traffic ay sumusubok sa pasensya pero pagkakataon din na ipakita ang kabutihan at pagpipigil sa sarili.

Pinasalamatan naman ni Bishop Santos ang pulisya sa mabilis na pag-aksyon para mahuli ang salarin.

Hiling din nito na manaig ang kapayapaan at paggaling ng mga nadamay sa insidente.

Facebook Comments