
Nakausap na ng Department of Justice (DOJ) ang abogado ni Pamplona Mayor Janice Degamo na biyuda ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ay matapos na ibasura ng Court of Appeal sa Timor-Leste ang hiling ng Pilipinas na i-extradite ang itinuturong utak sa pagpaslang na si dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.
Sa ambush interview, sinabi ni Justice Secretary Boying Remulla na nakausap nila ni Usec. Raul Vasquez ang abogado ng alkalde.
Gayunman, walang nabanggit ang kalihim kung ano ang napag-usapan at kung ano ang susunod nilang hakbang kaugnay sa kasong multiple murder at frustrated murder laban sa sinipang kongresista.
Pero tiniyak ni Remulla na maghahain sila ng Motion for Reconsideration sa kaparehong korte sa Timor-Leste.
Binigyang diin pa ng DOJ na itinuturing nang undocumented alien si Teves matapos na una nang kanselahin ang kaniyang Philippine passport.