Agad na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang pamamahagi ng relief goods sa mga residente matapos ang opisyal na pagdedeklara ng State of Calamity sa lungsod noong Miyerkules, Hulyo 23. Layon nitong agad na matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayang labis na naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Bahagi ng inilatag na emergency response ay ang pamimigay ng food packs, bottled water, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga evacuation center at mga barangay na lubog pa rin sa baha. Patuloy rin ang monitoring at koordinasyon ng mga lokal na opisyal upang matiyak na walang komunidad ang mapag-iiwanan.
Kasalukuyang nakakaranas pa rin ang lungsod ng masungit na panahon dulot ng sama ng panahon na pinalala pa ng pagtaas ng tubig-dagat (hightide) na umabot kahapon sa 4.46 feet o 1.36 metro. Ang pag-ulan na walang patid, kasabay ng pag-apaw ng mga ilog at kanal, ay lalong nagpapalala sa sitwasyon.
Itinaas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 ang Dagupan kahapon, Hulyo 24, dahil sa Bagyong Emong. Bilang tugon, nakaalerto ang mga iba’t-ibang ahensya tulad ng MDRRMO, PNP, BFP, at mga barangay emergency teams upang magsagawa ng rescue, evacuation, at relief operations na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









