Manila, Philippines – Kasunod ng pagkalat ng larawan ni DILG Usec. Martin Diño kung saan nakasuot ito ng uniporme ng Philippine Coast Guard Auxiliary kahit pa hindi naman ito lehitimong miyembro ng organisasyon, sinabi ngayon ni PCG Spokesman Captain Armand Balilo, na pinag-aaralan na nila ang kanilang mga probisyon upang matukoy kung mayroon partikular na batas ang na-violate si Diño.
Ayon kay Balilo, hindi kasi pwedeng basta-basta na lamang isusuot ang kanilang mga uniporme lalo na at may mga badge na nakasabit dito.
May proseso kasi aniya upang makapagsuot nito, at ang mga badge sa uniporme ay hindi naman basta-basta nakukuha ng kung sino-sino lamang.
Gayunpaman, ayon kay Balilo, hindi nila inaalis ang posibilidad na biktima lang si Diño ng bogus na ito na di umano’y pinatatakbo ng isang Admiral Villanueva.
Sinabi pa ni Balilo, na welcome si Diño sa PCG Auxiliary sakaling naisin nitong maging bahagi ng kanilang hanay.