Manila, Philippines – Pormal nang umupo sa kanyang pwesto bilang Deputy for Operations ng Office of the Civil Defense (OCD) ngayong araw si dating Bureau of Customs Chief Nicanor Faeldon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council Spokesperson Romina Marasigan, alas-8:00 ng umaga kanina nang dumating sa tanggapan ng OCD sa loob ng Camp Aguinaldo, Quezon City si Faeldon, agad nitong ipinatawag ang mga opisyales at empleyado ng OCD partikular ang mga nasa operation centers para pormal na makilala at pagkatapos ay nagpulong tungkol sa Task Force Bangon Marawi.
Sinabi pa ni Marasigan na malaking tulong sa kanilang operasyon ang pagkakatalaga ni Faeldon sa kanyang posisyon dahil naniniwala siyang mas maraming tao sa isang unit mas marami ang magiisip para sa ikagaganda ng operasyon.
Matatandaang si Faeldon ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pwesto noong December 22, 2017 at nanumpa sa posisyon sa tanggapan rin ng OCD nitong January 16, 2018.
Naantala ang pag-upo nito sa pwesto matapos makulong dahil sa hindi pagdalo ng mga isinagawang pagdinig ng Senado may kinalaman sa kontrobersyal na 6.4 bilyong pisong shabu shipment mula China na naging dahilan ng kanyang pagbitiw sa pwesto bilang Bureau of Customs Chief.