Nakarekober ang militar ang ilang mga high-powered firearms, unexploded mortar shelling sa lalawigan ng Sulu na pagmamay-ari ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Ito ay matapos na makasagupa ng tropa ng 5th Scout Ranger Battalion at 13th Special Forces Company ang grupo ni ASG leader Mundi Sawadjaan kagabi sa Indanan at Patikul sa Sulu.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Major General William Gonzales, nakatanggap sila ng intelligence report kaugnay sa presensiya ng teroristang grupo kaya agad ikinasa ang operasyon.
Natunton ng mga sundalo ang kinaroroonan ng mga teroristang Abu Sayyaf sa kabundukan ng Brgy Adjid sa Indanan.
Dito na nagkaroon ng 20-minutong sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at grupo nina Mundi Sawadjaan at ASG Senior Leader Radulan Sahiron.
Nakuha ng mga sundalo ang dalawang M14 rifles at ilang mga dokumento gaya ng kopya ng passports na pag-aari ng dalawang Indonesian national.
Inaalam na rin ng militar kung ito ay pag-aaari ng Indonesian kidnap victims.
Samantala, sa ngayon ay nagsasagawa naman ng paneling ang 13th Special Forces Company sa Barangay Kabbon Takkas, Patikul para bigyang seguridad ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagsasagawa ng road concreting matapos mamataan ang isang unexploded 60mm mortar round sa Sitio Nanka.