Matatag na mental health services, iginiit ni VP Robredo

Iginiit ni Vice President Leni Robredo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag na mental health services, pagsuporta sa mental health professionals at pagtanggap sa mga indibidwal na nakikipaglaban sa mental health issues sa panahon ng pandemya.

Sa kanyang video message sa Virtual March for Mental Health, sinabi ni Robredo na importanteng i-angat ang kamalayan ang isyung ito kasabay ng paggunita ng World Mental Health Day ngayong araw, October 10.

Aniya, malaki ang hamong protektahan ang psychological well-being ng mamamayan lalo na kung limitado ang resources.


Ang pagtugon sa mental health ay nakadepende sa pagtatatag ng gamutan para rito.

Sabi pa ng Bise Presidente na ang mga tao sa komunidad ay vulnerable tuwing may kalamidad at krisis.

“Now that we face a new challenge in the form of COVID-19, the urgent need to invest in our mental health is underscored once more,” sabi ni Robredo.

Para kay Robredo, nagkakaroon din ng cultural divide kung saan nagkakaroon ng pananaw na ang sinumang mayroong mental health issues ay isang uri ng kahinaan o kahihiyan.

Binanggit ng Bise Presidente ang Mental Health Law na nakatulong sa paglikha ng mental health programs, pagpapalawak ng mental health education sa mga paaralan, at pagpapatibay ng mental health services sa community level.

Sa datos ng National Center for Mental Health, nasa 30 hanggang 35 ang natatangap nilang tawag na humihingi ng tulong kada araw mula Marso hanggang Mayo ngayong taon, na doble kumpara sa 13 hanggang 15 tawag kada araw noong nakaraang taon.

Facebook Comments