Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan na mananatiling matatag ang presyo at suplay ng mga kandila sa lalawigan sa paglapit ng Undas.
Ayon kay Provincial Director Natalia Dalaten, batay sa price monitoring report ng ahensya noong Oktubre 24, nananatiling nasa itinakdang suggested retail price (SRP) ang karamihan sa mga brand ng kandila, kabilang na ang mga imported at may pabango.
Bagaman may kaunting paggalaw sa presyo ng ilang house brands, nananatili pa rin umano itong nasa loob ng SRP, kung saan ang ilan ay nagtala lamang ng bahagyang pagtaas na hanggang 3.93 porsyento.
Ipinaliwanag ni Dalaten na patuloy ang DTI sa pagsubaybay sa presyo ng mga kandila, dahil itinuturing itong pangunahing pangangailangan sa ilalim ng Price Act o Republic Act 7581.
Dagdag pa niya, sapat ang suplay ng kandila sa mga pamilihan kaya’t walang dapat ipangamba ang mga mamimili.









