Hindi masasakripisyo ang kalusugan at kaligtasan ng mga kababaihan, partikular na ang mga nanay kahit nasa panahon pa ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic ang Pilipinas.
Ito ang inanunsyo ng Merck in the Philippines o MSD kasunod ng pagbibigay ng grant ng isang international non-profit health organization na Jhpiego para mapangalagaan ang kalusugan ng mga ina sa ating bansa.
Sa isinagawang virtual media briefing na MSD for Mothers, inihayag ng mga health experts na walang dapat mamatay na ina sa panahon nang pagbibigay nito ng buhay.
Ang 500-milllion dollar Global Grants Program ay naglalayong mapababa ang maternal mortality o pagkamatay ng mga nanay.
Ilulunsad ang tatlong taong proyekto sa Sorsogon, ang ikaapat na pinakamaraming populasyon sa Bicol.
Batay sa inilabas na pag-aaral ng United Nations Population Fund o UNFP at University of the Philippines Population Institute, bago ang pandemya ay nasa 2,600 Filipino mothers ang namamatay kada taon sa bansa dahil sa mga kumplikasyon sa pagbubuntis hanggang sa panganganak.
Giit ng mga eksperto, ang kundisyong ito ay maaring maiwasan basta mabigyan lamang ng sapat na atensyong medikal.