
Iginiit ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang kahalagahan ng matibay na suportang nakukuha ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa kasunod na rin ng ginawang pagkilala ng Google Maps sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Tolentino, may-akda ng Philippine Maritime Zones Law, mahalaga sa hakbang na ito ang matibay na suportang natatanggap ng Pilipinas mula sa iba’t ibang bansa tulad ng mga nangungunang ekonomiya ng Estados Unidos at European Union.
Patunay aniya ito na tuloy-tuloy na ang paglawak ng pagkilala sa WPS ng international community at mga respetadong institusyon.
Bukod sa tagumpay ito ng mga Pilipino, ito rin ay patunay na tama ang kasalukuyang patakaran ng gobyerno alinsunod sa international law at prinsipyo ng multilateralism.
Sinabi pa ng senador, napapansin na ng buong mundo ang pagkakaisa ng mga Pilipino para igiit ang ating teritoryo sa kabila ng lumalalang aggression ng China.
Dagdag pa ni Tolentino, magandang pamana ito sa mga susunod na henerasyon at umaasa na sa susunod ay mailalagay rin sa Google Maps ang Talampas ng Pilipinas na kasalukuyang Benham Rise pa ang nakalagay sa app.