Matindi at napapadalas na pagbaha sa Puerto Princesa, pinasisilip ng isang senador

Paiimbestigahan ni Senator Erwin Tulfo ang paulit-ulit at matinding pagbaha sa Puerto Princesa City sa Palawan lalo’t hindi lamang sa bagyong Crising nalubog sa baha ang lugar.

Tinukoy ni Tulfo na noong Pebrero lamang ay napasailalim sa “state of calamity” ang lungsod matapos malubog sa baha dahil lamang sa “shear line” at wala namang bagyo.

Nais malaman ng senador sa gagawing pagsisiyasat ang sanhi ng pagbaha sa lugar kahit ulan lang at wala namang kalamidad.

Kukwestyunin ni Tulfo kung may maayos na drainage system at urban planning ang lalawigan kaya ito nalulubog sa baha.

Bubusisiin din ng mambabatas ang nakakalbong kabundukan sa lugar bunsod ng umano’y illegal logging at mining.

Ngayong araw inaasahang maghahain ng panukala ang senador para maimbestigahan ang isyu at pagpapaliwanagin din ang local government unit (LGU) at mga ahensya ng gobyereno hinggil sa nasabing problema.

Facebook Comments