Lumikha ng matinding traffic ang karambola ng tatlong sasakyan sa northbound ng Katipunan avenue sa Quezon City.
Umabot na sa Quirino Memorial Medical Center ang pinaka buntot ng mga motorista na hindi makagalaw dahil sa nakahambalang na mga sasakyan.
Dalawang dump truck at isang closed delivery van ang sangkot sa karambola.
Ayon kay Eduardo Escol, driver ng closed delivery van, nakastop umano ang mga sasakyan dahil nakapula ang traffic light nang bigla na lang siyang banggain.
Aminado si Arnel Sevilla, pahinante ng nakabanggang dump truck na nakatulog ang kanilang driver na si Rodgie Ignacio kaya sila nabangga.
Wala namang nasugatan sa nangyaring karambola.
Nagkalat na din sa kalsada ang krudo na lubhang mapanganib sa mga motorista lalo na ang mga nagmomotorsiklo.
Abiso sa mga motorista, iwasan na ang lugar sa Northbound Lane ng Katipunan Ave malapit sa gate 3 ng Ateneo University dahil nagdudulot ito ng pagbagal sa trapiko dahil dalawang linya ang sakop ng aksidente.